-- Advertisements --

NAGA CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos pagtatagain ng kanyang kainuman sa Lucena City, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Michael Deseo Marcellana, 42, residente ng Barangay Lual Barrio, bayan ng Mauban.

Batay sa ulat ng Quezon Police Provincial Office, nauwi sa mainit na diskusyon at suntukan ang dapat sana’y inuman lang nina Marcellana at suspek na si Arnold Limpiada Basarte, 21, residente ng Barangay Ibabang Iyam.

Agad umanong kumuha ng bolo ang suspek at pinagtataga si Marcellana.

Sa inisyal na imbestigasyon, nagtamo ng seryosong tama sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima na agad naisugod sa ospital.

Nasa kustodiya na ng mga otoridad ang suspek para sa karampatang disposisyon, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. -CJY