-- Advertisements --

Hinamon ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang sinibak niyang si House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) chair na si Mindoro Rep. Salvador Leachon na patunayan ang mga alegasyon nitong may nangyaring budget insertions sa 2020 national budget.

Iginiit ni Cayetano na dapat isiwalat ang mga sinasabi nitong isinignit sa pambansang pondo ngayong taon para makasuhan ang sinumang nasa likod nito.

Pero sakaling hindi ito magawa ni Leachon, nagbanta si Cayetano na kakasuhan ang kapwa kongresista dahil sa pang-iintrigang ginagawa nito.

Madalas pa aniyang pinaparatangan ni Leachon si Deputy Speaker L-Ray Villafuerte patungkol sa umano’y ilang bilyong pisong insertions, kabilang na ang pondo para sa isang convention center sa Pili, Camarines Sur.

Subalit sa kabila nito ay hindi naman aniya magawang isapubliko ni Leachon na maging siya ay tumaas ng P1 billion ang budget allocation para sa taong ito.

Kasabay nito ay muling binigyan diin ni Cayetano na walang iregularidad sa 2020 national budget, at wala rin aniyang pinaburan sa budget allocations.