-- Advertisements --
ICCFeature
The International Criminal Court building is seen in The Hague, Netherlands, January 16, 2019. REUTERS/Piroschka van de Wouw

Hindi welcome para kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang naging hakbang ng International Criminal Court (ICC) na pagpapahintulot nito upang mabuksan muli ang imbestigasyon sa killings o pagpatay sa panahon ng kampaniya kontra iligal na droga o war on drugs ng Duterte administration na naganap mula Nobiyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.

Sinabi pa ng Justice chief na hindi niya tatanggapin sa Pilipinas ang International Criminal Court para magsagawa ng imbestigasyon maliban na lamang kung linawin nila na igagalang ang bansa sa naturang usapin.

Sinabi rin ni Remulla na hindi siya maninindigan sa anumang mga kalokohan na may posibilidad na kumwestyon sa soberanya ng Pilipinas at sa katayuan nito bilang isang sovereign country.

Bagama’t bukas naman aniya ang gobyerno sa pagsasagawa ng diyalogo at pagbabahagi ng datos sa ICC.

Saad pa ng Justice chief na tatalakayin niya ang magiging susunod na aksyon ng gobyerno kay Solicitor General Menardo Guevarra, na nauna ng nagsabi na ang bansa ay aapela sa ICC Appeals Chamber kaugnay sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.

Samantala, sinabi ni Remulla na hindi pa niya nakakausap si Pangulong Marcos tungkol sa usapin.

Nang tanungin naman kung handang makipagtulungan ang mga awtoridad sakaling maglabas ng warrant of arrest ang ICC, sinabi ni Remulla na walang ganoong awtoridad ang ICC.

Ginagawa din naman aniya ng gobyerno ang lahat ng makakaya nito para imbestigahan ang mga kaso kaugnay sa war on drugs.

Nanawagan naman si Remulla sa ICC na ibahagi sa gobyerno ng Pilipinas ang nais siyasatin ng kanilang mga imbestigador.

Una ng sinabi ng ICC na hindi ito kontento sa isinasagawang imbestigasyon ng Pilipinas upang itigil ng korte ang imbestigasyon nito.

Ang Pilipinas ay una na ring kumalas noong Marso taong 2019 sa panahon ng Duterte administration mula sa Rome Statute na nagtatag ng ICC.

Sa parte naman ng Pangulo, inihayag nito na walang intensiyon ang bansa na muling umanib sa ICC.