Inaasahang maglalaro sa 2-4% ang inflation rate sa bansa ngayong 2024.
Ito ang inihayag ni National Economic Development Authority (NEDA) Sec. Arsenio Balisacan sa press briefing kanina sa Malacanang.
Sinabi ni Balisacan na ipinanatili ang 2-4% inflation projection ngayong taon hanggang sa taong 2028.
Ito’y matapos isinagawa ang assessment sa internal at external developments na nakaka-apekto sa presyo ng mga pangunahing commodities.
Sinabi ng kalihim na nananatiling banta sa food security at stability ng presyo ng pagkain ang climate change, kalamidad gaya ng El Nino.
Tinukoy din ni Balisacan ang posibleng adjustments sa pamasahe, sweldo, at service utility fees na maaring makapagpahina sa household consumption.
Isina-alang alang din sa inflation outlook ang monetary policy actions ng Bangko Sentral ng Pilipinas at ang non-monetary strategies at measures ng gobyerno.
Batay naman sa projection ng BSP, nakikitang maglalaro sa 3.4 hanggang 4.2% ang inflation rate sa bansa para sa buwan ng Marso.