Kinumpirma ni PNP Chief Oscar Albayalde na Indonesian suicide bombers ang responsable sa dalawang pagpapasabog sa Jolo, Sulu Cathedral noong nakalipas na linggo.
Ayon kay Albayalde, mismong ang mga sumukong suspek na Indonesian ang nationalities ng dalawang bombers batay sa kanilang lengwahe.
Mag-asawa umano ang mga bombers, pero mga isang taon na raw sa Pilipinas ang lalaki, habang ang babae naman ay dumating sa bansa ilang araw lang bago ang pambobomba.
Sinabi ni Albayalde, base sa testimonya ng mga saksi, ang babae ang umano’y nagpasabog sa loob ng simbahan, habang ang lalaki naman ang nagpasabog ng pangalawang beses sa labas ng simbahan.
Hindi rin matukoy ng mga sumukong suspeks ang Indonesian couple kaugnay sa kanilang pagkakakilanlan dahil hindi nakakapagsalita ng Tausug ang mga ito na siyang salita sa Sulu.
Nilinaw naman ni Albayalde na ang kanilang findings na Indonesian ang suicide bombers batay sa pahayag ng mga testigo.
Nakikipag-ugnayan naman na sa ngayon ang PNP sa Indonesian government para matukoy ang identity ng Indonesian couple na mga suicide bombers.
“Ang alam ko may bilateral agreement tayo with Indonesia on that with regards to sharing of information, even with Malaysian police meron tayo and coordination natin is constant, its a regular basis kasi concern din yan nila,” wika ni PNP chief.










