Kinumpirma na ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang suicide bombers na nagpasabog sa Jolo Cathedral noong January 27, 2019 ay Indonesian couple.
Ito’y matapos kumpirmahin din ng Indonesian police na kababayan nila ang nagpasabog naman sa Mt. Carmel Cathedral sa Sulu na ikinasawi ng 20 indibidwal habang mahigit 100 ang sugatan.
Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, natukoy na nila na Indonesian couple ang suicide bombers na nagpasabog sa Jolo cathedral batay sa DNA (Deoxyribonucleic acid) result.
“Meron tayong DNA sample taken by the Crime Laboratory. Tayo ang kumuha ng dna sample, we are capable of taking samples of DNA,” ani Albayalde.
Katuwang ng PNP ang kanilang counterparts na Indonesian investigators na tumulong sa imbestigasyon para matukoy ang identities ng dalawang suicide bombers.
Nabatid na mismong Indonesian investigators na nag-imbestiga sa Bali bombing ang nagtungo dito sa bansa para tulungan ang PNP sa kanilang imbestigasyon.
Sinabi ni Albayalde, mahigit isang taon ng nanirahan sa Sulu ang lalaki at marunong nang magsalita ng Tausog habang ang babae ay kararating lamang noon sa Sulu na nanggaling pa ng Zamboanga.
“Well I think we have said that before already na these are suspected indonesian couple and based on the witnesses na dinemanda natin, finilan ng kaso these were identified as indonesians,” wika pa ni Albayalde.
Nagpasalamat naman ang PNP chief sa Indonesian government sa pagtulong sa kanila.
Samantala ayon kay AFP spokesperson B/Gen. Edgard Arevalo, mula sa kanilang finding kaya nabatid na Indonesian couple ang suicide bombers.
Ayon kay Arevalo, nagbigay din sila ng mga vital information sa kanilang Indonesian counterpart.
“Those data which were based from our own inquiry and intelligence contributed to their deliberations that led to this confirmation,” pahayag ni Arevalo.
Binigyang-diin ni Arevalo na mahalaga ang kooperasyon at information sharing ng mga bansa gaya ng Indonesia, Malaysia, Singapore at Pilipinas.