-- Advertisements --

Kinumpirma ng Indonesian Gymnastics Federation na hindi papayagang makapasok sa bansa ang mga atleta mula sa Israel para sa World Artistic Gymnastics Championships na gaganapin sa Jakarta mula Oktubre 19–25.

Ayon sa federation chair Ita Yuliati, sinuportahan ng International Gymnastics Federation (FIG) ang desisyon ng gobyerno ng Indonesia na hindi bigyan ng visa ang Israeli athletes, bilang bahagi ng suporta ng bansa sa paglaya ng Palestine.

Tumanggi pang maglabas ng opisyal na pahayag ang FIG kaugnay ng isyu.

Sinabi naman ni Raja Sapta Oktohari, presidente ng National Olympic Committee ng Indonesia, na handa ang bansa sa anumang magiging epekto ng kanilang desisyon, kahit pa nakaplano silang mag-bid para sa 2036 Olympics.

Hindi ito ang unang beses na kinansela ng Indonesia ang isang international sporting event dahil sa pagtutol sa partisipasyon ng Israel. Noong 2023, nawalan din sila ng karapatang mag-host ng FIFA U-20 World Cup at umatras din sa ANOC World Beach Games.