-- Advertisements --

Tinuldukan na ng Philippine National Police (PNP) ang ispekulasyon sa lumabas na report matapos napatunayan na hindi anak ng Morrocan suicide bomber na nagpasabog sa Lamitan, Basilan noong 2018, ang pangalawang suicide bomber na sumalakay naman sa kampo ng militar sa Indanan, Sulu, nitong June 28 na ikinasawi ng walong katao at pagkasugat mahigit 20.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, ito’y sa pamamagitan ng Deoxyribonucleic acid (DNA) test kung saan kumuha sila ng DNA sample sa pangalawang bomber at pinag-match doon sa Morrocan suicide bomber.

Pero batay sa resulta ng PNP Crime Laboratory, negatibo ang resulta o hindi nagtugma ang dugo ng dalawa.

Dahil dito, sinabi ng PNP chief na hirap sila ngayon i-identify ang indentity ng pangalawang suicide bomber dahil wala silang makuhanan ng tinatawag nilang “standard comparison” para i-match sa nakuhang DNA sample.

“As based doon sa laboratory nag negative result ‘yun (not the son of Morrocan) No. yung allegation na ‘yun hindi nag positive, negative result nun. Hindi pa sya identified at hindi pa natin masabi kung ‘yan ay local o foreigner,” ani Albayalde.

Una nang sinabi ni Albayalde na maaaring Pinoy din o banyaga ang pangalawang suicide bomber.

Kung maaalala, tanging nakumpirma ng PNP Crime Lab na ang isa sa dalawang suicide bomber sa Indanan blast ay Pilipino na nakilalang si Norman Lasuca.

“Meron tayong kinuhang sample doon but then again wala tayong puwedeng standard comparison. May kinuha tayo doon sa tao pero wala tayong makuhanan na standard comparison unlike itong isa, kinunan natin at ‘yung nagpakilala sinasabi nag-volunteer sila it turned out na positive. Ito kasi wala so we cannot say na kung ito ay sinasabi nila mga allegations na ito ay foreigner or local. We cannot ascertain that yet,” dagdag pa ni Albayalde.