ILOILO CITY – Pinatunayan ng Valedictorian ng Philippine National Police Academy (PNPA) na hindi kailanman hadlang ang kahirapan upang makapagtapos sa pag-aaral at makamit ang minimithi sa buhay.
Ito ay si Police Cadet Ernie Alarba Padernilla, residente ng Barangay Dalicanan, Passi City.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Elsa Padernilla, ina ni Ernie, sinabi nito na butihing maybahay lamang siya at nagsasaka naman ang kanyang asawa.
Bagamat laki sa hirap si Ernie at ang tatlo pang nakakatandang kapatid, masisipag umano silang mag-aral.
Sa tulong ng Government and Private Scholarships, nakapagtapos si Ernie bilang unang Magna Cum Laude sa kursong BS Criminology sa Passi City College noong 2017.
Naipasa rin nito ang Criminology Board Examination, at sunod na nakapasa sa Admission Test sa PNPA hanggang tuluyan nang nakapasok sa akademya noong 2018.
Ayon sa ina, hindi basta-bastang hirap ang dinanas ng kanyang anak sa PNPA dahilan na namayat ito ngunit ni minsan ay hindi ito nagreklamo.
Sa graduation ceremony sa Abril 21, bukod sa karangalan bilang valedictorian ng Alab-Kalis Class of 2022, paparangalan rin ito bilang Presidential Kampilan for the Top 1; Chief, PNP Kampilan na highest order of merit para sa isang Police Cadet; Best in Thesis; at Best in Forensic Science.