CENTRAL MINDANAO -Sugatan sa pagsabog ng bomba ang mag-ina sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga biktima na sina Farida Solaiman at dalawa niyang menor de edad na anak, na pawang mga residente ng Barangay Tapodoc Aleosan Cotabato.
Ayon sa ulat ng Aleosan PNP, pinasabugan ng hindi pa natukoy na uri ng bomba ng mga hindi kilalang mga armadong kalalakihan ang tahanan ng pamilya Solaiman.
Dahil sa lakas ng pagsabog ay tinamaan ang mag-ina sa ibat-ibang parte ng kanilang katawan.
Mabilis namang tumakas ang mga suspek patungo sa direksyon ng Pikit Cotabato.
Agad na rumisponde ang grupo ni Barangay Tapodoc Brgy Chairman Khadafie Taya at dinala ang mga sugatan sa Aleosan District Hospital.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Aleosan Municipal Police Station sa Aleosan Cotabato sa nangyaring pagsabog.