Tiniyak ni PNP chief Gen. Guillermo Eleazar na magpapatuloy ang istriktong implementasyon ng quarantine protocols habang hinihintay ang pormal na kautusan at updated guidelines mula sa IATF kung pwede na bang huwag magsuot ng face shield.
Ayon kay Eleazar, patuloy nilang ipatutupad ang pagsusuot ng face shields sa enclosed areas at mga pampublikong lugar.
Paliwanag ni Eleazar, base kasi sa latest recommendation ng IATF sa pangulo ay dapat pa ring gumamit ng face shields sa enclosed spaces, commercial areas, public transport, terminals at maging sa mga lugar sambahan.
Dagdag pa ni Eleazar ang pagpapatupad ng face shields ay gaya din sa polisiya sa pagsusuot ng face masks.
Mag-i-issue pa rin umano sila ng warnings o Ordinance Violation Receipts sa mga hindi magsusuot nito sa mga lugar na may lokal na ordinansa tungkol dito at arestuhin ang mga violators.
Kasunod nito, nagpaalala si Eleazar sa mga pulis na huwag saktan ang mga mahuhuling lalabag at pairalin pa rin ang maximum tolerance.
Inatasan nya rin ang mga pulis na mamahagi ng face mask sa mga walang suot nito.
Samantala, makakatulong ang pagbabakuna sa pagpapataas ng kumpiyansa ng mga pulis na gampanan ang kanilang tungkulin sa frontline kontra sa COVID-19.
Ayon kay PNP-Health Service director, B/Gen. Luisito Magnaye, mahalaga ang dobleng pag-iingat at pagsunod sa health protocols, kaya mas mabuti ang may bakuna bilang proteksiyon.
Magugunitang si Magnaye ang unang police official na binakunahan sa PNP noong Marso 1 nang isagawa ang simultaneous nationwide symbolic vaccination.
Sa ngayon, fully vaccinated na si Magnaye at ayon sa kanya ay walang naging adverse effect sa kanya ang bakuna.
Gayunman, sinabi ng heneral na tuloy pa rin ang pagsunod niya sa minimum health protocols gaya ng madalas na disinfectant, pagsusuot ng facemask at pag-obserba ng social distancing para na rin sa kaligtasan ng mga nakakasalamuha niya.
Sa kabilang dako, hinihintay pa ng PNP ang karagdagang vaccine allocation para sa kanilang hanay.
Una nang sinabi ni Magnaye na nasa 28,000 vaccine ang inilaan ng DOH para sa PNP A4 category at noong Martes na 500 lamang ang paunang ibinigay sa kanila ng gobyerno.
















