-- Advertisements --
cropped DepEd

Isinusulong sa Senado ang implementasyon ng mental health law at therapy session packages sa gitna ng patuloy na pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral na napaulat na nagpapakamatay.

Base kasi sa ulat mula sa Department of Education (DepEd) , nasa 404 na mga mag-aaral sa buong bansa ang nag-suicide habang 2,147 iba pa ang nagtangkang magpakamatay sa nakalipas na academic year 2021-2022.

Sa hiwalay naman na pahayag, inirekomenda nina Senator JV Ejercito, Senator Risa Hontiveros, Sen. Sonny Angara at Sen. Grace Poe ang pagpigil sa tumataas na kaso ng suicide sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagprayoridad sa pagpapatupad ng mental health law.

Ipinanukala din ni Sen. Hontiveros sa DepEd na dapat tugunan ang kakulangan sa mental health personnel sa pamamagitan ng pag-hire ng karagdagang guidance counselor.

Pinaplantsa na in ni Sen. Angara ang paghahain ng isang panukala para sa pagkakaroon ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) packages saklaw ang therapy sessions at iba pang mental health assistance para matulungan ang mga distressed learners.

Sa panig naman ni Sen. Poe, dapat aniya na lumikha ang educational intitutions ng sariling nilang mga programa para sa pagbibigay ng regular counseling sa mga estudyante, sa mga guro at non-teaching personnel.

Una ng naglaan ang gobyerno ng nasa P4 billion para sa pagtugon sa mental health sa ilalim ng pambansang pondo ngayong 2023.