Tiniyak ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na tuloy na tuloy sa July 6,2026 ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte matapos ang unang pre-trial conference ng impeachment court sa Senado.
Sinabi ni Luistro na nagsimula na ang pagmamarka ng mga documentary exhibits na may kaugnayan sa Articles of Impeachment at inaasahang matatapos ito sa June 22 sa pagpapatuloy ng pre-trial proceedings.
Ayon sa Mambabatas, malinaw na nananatiling nakatakda ang pagsisimula ng paglilitis sa Hulyo 6 at magtutuloy-tuloy na ito.
Inaasahan ding ilalabas ang pre-trial order matapos makumpleto ang exhibit marking, na magsisilbing gabay sa mga susunod na pagdinig.
Mahigit 30 posibleng testigo ang inihanda ng House prosecution panel, habang nagsumite rin ng sarili nilang listahan ng mga testigo at dokumento ang kampo ng depensa.
Binigyang-diin ni Luistro na ang mahalaga ngayon ay patuloy na umuusad ang proseso at nananatiling nakatakda ang pagsisimula ng impeachment trial sa Hulyo 6.










