LAOAG CITY – Ibinahagi ni Atty. Carlos Isagani Zarate ang kanyang mga pananaw tungkol sa unang tatlong araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Atty. Zarate, tila mas binibigyan nila ng pansin ang mga teknikal na usapin.
Sinabi niyang mas mainam sana kung ang naging pokus ay ang konteksto ng mga pangyayari lalo na para sa kampo ng depensa ng Bise Presidente dahil maaaring wala na silang lusot kung saan ang video na nagpapakita ng pagbabanta ni Vice President Sara Duterte ay malinaw na banta sa buhay nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Aniya, isa itong matibay na ebidensya sa impeachment trial dahil malinaw na nanggaling mismo sa Bise Presidente ang nasabing pahayag.
Ipinaliwanag niya na sa mga susunod na araw, dapat nang pagtuunan ng pansin ang mas mahahalagang isyu, tulad ng kung ano ba talaga ang nangyari sa confidential funds o sa usapin ng yaman kabilang ang bilyun-bilyong pondo ng Bise Presidente at ang sobreng ibinigay sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd).
Kaugnay nito, sinabi niyang hindi dapat maging sentro ng usapan ang mga teknikalidad, tulad ng kung maituturing bang ebidensya ang isang photocopy.
Idinagdag pa niya na hindi magandang marinig ng mga kabataan ang ganitong mga kilos ng Bise Presidente dahil magdudulot ito ng malaking epekto, lalo pa’t malinaw itong pagtataksil sa tiwala ng publiko.
Samantala, umaasa siyang magiging maayos at masusi ang paghahanda sa mga dokumentong ihahain, at umaasa rin siyang mapapabilis ang proseso upang matapos at malutas na ang impeachment trial.















