Magsasagawa ng secondary inspection ang BI gamit ang body worn cameras sa mga departing passengers sa mga paliparan.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco sa isang pahayag, titiyakin ng mga body camera na ang mga opisyal ng imigrasyon ay epektibo at mananatiling nananagot sa kanilang mga aksyon bilang mga tagapagpatupad ng batas.
Aniya, mas madali na imbestigahan ang mga reklamo ng maling pag-uugali sa paggamit ng mga body cam.
Ito rin ay magpapaalala sa mga opisyal na palaging maging propesyonal sa pagsasagawa ng kanilang mga tungkulin.
Naglaan din aniya ang BI ng P16 milyon mula sa budget nito para sa pagbili ng mga body camera.
Bukod sa mga body camera, nauna nang sinabi ni Tansingco na bibili ang BI ng mas maraming electronic gate na ilalagay sa mga paliparan.
Sa pagtatapos ng 2026, inaasahang magiging digitalized na ang operasyon ng BI sa mga paliparan.