Nilinaw ng ilan sa mga lider ng Kamara na hindi “witch hunt” ang nakaambang imbestigasyon ng Kamara laban sa OCTA Research group, na naglalabas ng kanilang mga data at projections kaugnay sa sitwasyon ng bansa magmula nang tumama ang COVID-19 pandemic sa Pilipinas.
Iginiit ito nina Deputy Speaker Bernadette Herrera and Deputy Majority Leader Jesus “Bong” Suntay matapos na umani ng batikos sa mga nakalipas na araw ang resolusyon na inihain nila kasama ang tatlong iba pang mga kongresista na nagpapaimbestiga sa “research, methodologies partnerships, at composition” ng OCTA Research group.
Ayon kay Herrera, hindi nila kinakalaban ang OCTA Research group bagkus ay nais lamang nilang makilala ng husto ang organisasyon na ito.
Iterisado aniya silang malaman ang methodology na ginagamit ng OCTA Research group pagdating sa kanilang analytics at para mabigyan din ng pagkakataon ang mga miyembro nito na i-contextualize ang kanilang mga pronouncements.
Iginiit naman ni Suntay na hindi hangad ng imbestigasyon na ito i-discredit ang kung sino man ang nais na tumulong sa laban ng bansa kontra COVID-19.
Sa kanilang imbestigasyon, aanyayahang dumalo ang mga opisyal ng Department of Health pati na rin ang iba pang mga health experts.
Iikot lamang ang mga clarificatory questions ang magiging tema sa congressional probe para malaman kung saan nanggagaling ang basehan ng projections ng OCTA Research group ngayong marami ang nag-aalangan na gamitin ang data mula sa DOH, ayon kay Suntay.
Magugunita na sa mga nakalipas na buwan, kinukonsidera ng national government at ng local government units ang projections at warnings ng OCTA Research group sa COVID-19 pandemic.
Kabilang na rito ang ipinatupad kamakailan na enhanced community quarantine sa National Capital Region at iba pang mga probinsya sa bansa.