-- Advertisements --
CHR human rights office

Ipinahayag ni United Nations Special Rapporteur Mama Fatima Singhateh na dapat ay paigtingin pa ng gobyerno ng Pilipinas ang imbestigasyon pagdating sa kaso ng online exploitation sa bansa.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Commission on Human Rights commissioner Beda Epres ay ibinahagi niya na kabilang aniya sa initial perception ni Singhateh ang mas maigting na imbestigasyon sa kasong may kauganayn sa mga bata.

Aniya, ipinahayag ito ng special rapporteur nang magsagawa sila ng exit conference at debriefing noong Disyembre 4, 2022 bago siya umalis sa bansa.

May nakita raw kasing kaunting gap si Singhateh pagdating sa pag-aksyon ng pamahalaan hinggil sa nasabing usapin.

Ito ay matapos aniya ang kaniyang pag-iikot sa Pilipinas kasama ang Department of Foreign Affairs, at Presidential Human Rights Commission para tignan ang sitwasyon ng mga kabataan sa bansa.

“Noong December 4 po bago po umalis itong special rapporteur of the United Nation [UNSR Mama Fatima Singhateh] nagkaroon po ng exit conference of debriefing at nagkaroon po ako ng pagkakataon na maimbitahan doon.. binanggit niya ang kaniyang initial perception doon sa kaniyang mga nakita [sitwasyon ng exploitation of children sa bansa].. meron siyang nakitang kaunting gaps na sinasabi niya na dapat mapunan ng Philippin government like mas intensify yung investigation pagdating sa kaso [online exploitation] na involve ang mga bata.” ani Commissioner Epres

Samantala, bukod dito ay nakipagpulong din si Singhateh sa lahat ng sangay ng gobyerno kabilang na ang Department of Justice na isa sa mga pangunahing may kinalaman sa pagprotekta sa karapatan ng mga kabataan kasabay na rin ng paghingi ng mga datos sa mga kaso ng sexual exploitation sa bansa.

Ayon pa kay Commission Epres, sa ngayon ay hinihintay na lamang ng CHR ang mismong final report ni Singhateh partikular na sa actual situation ng exploitation of children sa Pilipinas.

Kung maaalala, una nang nagpahayag ng suporta ang CHR sa naging rekomendasyon ng nasabing special rapporteur na magkaroon ng hiwalay na mga patakaran para sa pagtugon sa child trafficking at sexual exploitation sa mga bata.

Bukod dito ay sumasang-ayon din sila sa naging rekomendasyon ni Singhateh na hiwalay na “centers” para sa mga bata na biktima ng pang-aabusong sekswal at pagsasamantala sa bata “upang mabigyan sila ng indibidwal at masusing interbensyon.”