LEGAZPI CITY – Tahasang inihayag ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na maaaring pamumulitika lang ang dahilan ng ilang Senador sa ginagawang pagdingig ngayon tungkol sa procurement ng gobyerno ng mga pandemic supplies mula sa Pharmally Pharmaceutical Corp.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Marcoleta, malinaw naman umanong pinatatagal lang ng mga Senador ang pagdinig para sa publicity o upang makapagpasikat sa publiko habang sinisiraan ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kung totoo man na may nangyaring anomaliya sa transaksyon dapat lamang umanong ipasa na ang imbestigasyon sa Department of Justice, Ombudsman o sa National Bureau Of Investigation (NBI) upang magawan na ng tamang hakbang kesa sa pinapatagal pa sa Senado.
Nanawagan na rin ang kongresista sa mga opisyal ng Pharmally na sabihin na lang ang totoo at ihayag na kung sinu talaga ang kasabwat sa isyu kung meron man.
Samantala, agad rin na dumipensa si Marcoleta na hindi umano siya pumapabor sa administrasyon bagkos ay hangad lamang na mapadali ang trabaho ng kongreso upang mas matutokan ang problema sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.