Itinutulak pa rin ng isang senador na ituloy ang imbestigasyon sa crackdown ng pampano at salmon sa kabila ng moratorium na inisyu noong Biyernes.
Ayon kay Sen. Francis Tolentino, kapag itinuloy daw kasi ang imbestigasyon ay lalabas ang katotohanan tungkol sa mga isyu sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Nakakapagtaka rin umano ang biglang pagpapatupad ng Fisheries Administrative Order No. 195 o ang crackdown sa iligal na pagbebenta ng pampano at salmon.
Sinabi ni Tolentino na hindi lamang dapat tignan ng Senate committee on agriculture ang 23-year-old Fisheries Administrative Order No. 195 kung saan nakabase ang crackdown pero pati ang isyu sa BFAR.
Iginiit ng senador na deserve naman umano ng mga tao na kumain ng pampano at salmon kaya naman naniniwala ang mambabatas na “very discriminatory” ang kautusang ito.
At sa kabila ng moratorium na inisyu laban sa pagpapatupad ng order, naniniwala si Tolentino na panahon na raw para tignan kung kailangan i-revise ng BFAR ang order.
Maliban naman sa Fisheries Administrative Order No. 195, sinabi ni Tolentino na dapat ding ipaliwanag ng BFAR kung bakit nataon ang pagpapatupad ng Fisheries Administrative Order No. 195 sa closed fishing season,.
Kabilang na rin daw dito ang planong pag-angkat ng 25,000 metric tons ng galunggong na sabay-sabay na gustong gawin.
Una rito, isinalarawan ng ilang senador ang Fisheries Administrative Order No. 195 na anti-poor at discriminatory.
Kasabay nito ay agad na hinimok ng mga mambabatas na agad i-review ang naturang order dahil ito ay outdated na.
Una na raw itong inisyu noong taong 1999 at ngayong taon lamang nakuwestiyon.
Kung maalala, nakatakda namang ipatupad ng BFAR ang crackdown sa pagbebenta ng salmon at pampano sa mga wet markets sa Disyembre 4.
Pero nagdesisyon naman ang ahensiya matapos kuwestiyunin ng ilang mambabatas ang naturang order.