Siniguro ni Department of Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na walang palulusutin na departamento ang DPWH task force sa kanilang isasagawang imbestigasyon sa umano’y bumabalot na korapsyon sa ahensya.
Ito ang naging paglilinaw ni Villar matapos ang mga naglabasang ulat na pagtutuunan lamang ng pansin ng task force ang mga empleyado na nasa mababang lebel.
May kaugnayan naman ito sa una nang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga nasa mababang ranggo raw ang dawit sa naturang tiwaling gawain.
Ayon kay Villar, lahat ay isasali at hindi makakalusot mula sa kanilang gagawing imbestigasyon. Subalit mas pagtutuunan daw nila ng pansin ang mga nasa project engineer levels.
Lahat ng complaints aniya na galing sa labas at Office of the President ay kanilang iimbestigahan at gagawa rin sila ng agarang aksyon hinggil dito.
Dagdag pa ng gabinete, susubukan nilang ilabas sa mga susunod na buwan ang kanilang matutuklasan mula sa imbestigasyon.
Kasalukuyan na umano silang nakikipag-ugnayan sa Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) at Infrawatch.
Nakatakda rin ang ahensya na makipagtulungan sa internal affairs ng mga concerned agencies.
Pangunahing layunin ng DPWH task force ay ang kumolekta ng mga ebidensya at imbestigahan ang lahat ng akusasyon para magkaroon kaagad ng resulta.
Batay sa Department Order na may petsang Oktubre 17, ipinag-utos ni Villar ang pagkakaroon ng task force na pangangasiwaan ni DPWH Assistant Secretary Mel John Verzosa.
Naging mainit ang isyu sa DPWH matapos ang inilabas na report ng Commission on Audit (COA) kung saan makikita ang halos P100 billion na halaga ng mga delayed at unimplemented projects ng ahensya.
Malinaw umano itong paglabag sa procurement law at napagkasunduang kontrata.










