ILOILO CITY – Ikinatuwa ng Integrated Bar of the Philippines (IBP)-Guimaras at Iloilo Chapter na may korte nang hahawak sa kasong isinampa nila laban sa Philippine Coast Guard (PCG) at Maritime Industry Authority (MARINA).
Ito’y matapos na nag-inhibit si Hon. Gloria G. Madero, executive judge ng Branch 29 ng Regional Trial Court kaugnay, sa kasong urgent motion for reconsideration para sa Declaratory Relief, Mandatory Injunction at Prohibitory Injunction with Prayer for the issuance of Temporary Restraining Order, na inilabas ng Maritime Industry Authority kaugnay sa biyahe ng mga pump boats via Iloilo Guimaras vice versa.
Ito ay kasunod ng nangyaring trahedya sa Iloilo Strait kung saan 31 ang nasawi.
Ang pag-inhibit ni Judge Madero ay hiniling mismo ng mga miyembro ng IBP- Guimaras at Iloilo Chapter na siyang plaintiff matapos na binasura ng hukom ang kanilang isinampang kaso laban sa mga defendant na MARINA at PCG.
Ang naturang kaso ay hahawakan na ni Hon. Ma. Theresa Enriquez- Gaspar, presiding judge ng Branch 33 ng Regional Trial Court.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Atty. Vicente de Asis, kinatawan ng IBP-Guimaras chapter, sinabi nito na umaasa silang papabor sa kanila ang magiging desisyon ni Judge Gaspar sa kaso.
Napag-alaman na hinihiling nina De Asis na ibalik sa normal ang sitwasyon ng mga pump boats na may rutang Iloilo-Guimaras vice versa.
Una nang hindi nagustuhan ng mga opisyal ng Guimaras ang naging hakbang ng IBP.