-- Advertisements --

Tinanggal ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang probisyon na nakapaloob sa 2021 General Appropriations Act (GAA).

Kinumpirma ito ni Presidential spokesman Harry Roque sa Laging Handa briefing kanina.

Aniya vineto ni Pangulong Duterte ang ilang unconstitutional items bago pirmahan ang P4.5 trillion national budget para sa susunod na taon.

Bilang bahagi umano ng kaniyang Constitutional mandate na lahat ng batas ay tapat na maipatupad, pinag-aralan ng punong ehekutibo ang mga probisyon ng ating pambansang budget at sinbject sa direct veto ang mga probisyon kontra sa mga nakasaad sa ating Saligang Batas.

Isa sa mga tinanggal ng presidente ang probisyon na magbibigay pahintulot sa mga ahensya na direktang gamitin ang kanilang mga kita.

Ibig sabihin lamang nito, dapat lahat ng kinita ng mga ahensiya ay pumasok sa National Treasury at kinakailangan ang paggastos dito ay sang-ayon sa national budget.

Ipinag-utos din umano ng presidente ang maayos na paggamit ng public funds, kasama na ang utilization ng mga infrastructure-related expenses, pagpapatupad ng financial assistance sa mga local government units (LGUs), implementasyon ng rice subsidy at mabilisang pag-release at utilization ng National Disaster Risk Reduction Management (NDRRMC) fund.

Gayundin ang pag-oobserba sa mga umiiral na batas, polisiya, at regulasyon na may kauganayan sa procurement-related provisions, distribusyon ng allowances at benefits, paggamit ng Quick Response Fund, pagtatayo ng evacuation centers, implementasyon ng service contracting at pagpopondo sa foreign-assisted projects.