Apektado ng landslide at ground deformation ang ilang tourism sites sa Mindanao matapos ang magnitude 7.8 na lindol noong Lunes, Hunyo 8, 2026.
Kaugnay nito, naglabas ng opisyal na abiso ang Department of Tourism (DOT) ukol sa mga pinsala at suspensiyon ng aktibidad sa mga sumusunod na rehiyon
Sa Soccsksargen (Region 12), nakapagtala ng ground deformation sa Brgy. Ladol, Alabel, Saranggani kung saan gumuho ang maraming cottages sa Ladol Beach Resort dahil sa paggalaw ng lupa.
Nagkaroon naman ng landslide sa Mt. Melibengoy malapit sa Lake Holon sa bayan ng T’boli, South Cotabato. Ligtas namang nailikas ang lahat ng turista pababa ng bundok.
Sa General Santos City, limang accommodation establishments ang nagtamo ng iba’t ibang pinsala.
Sa Davao Region (Region 11), pansamantalang sinuspendi ang ilang turismo at aktibidad para sa kaligtasan ng publiko habang gumagawa ng safety assessment
Kung saan sa Davao City, kinansela muna ang pagdaraos ng Reyna ng Davao 2026. Sa Davao Oriental, tigil-operasyon ang mga EcoPark, coastal tourism, at mga water activities. Sa Davao Occidental, suspendido ang pagdiriwang ng Masbol Festival sa bayan ng Sarangani.
Sa ngayon, pansamantalang isinara ang Lake Holon at lahat ng kaugnay na aktibidad sa turismo. Agad na nagsagawa rin ng rapid field validation ang mga awtoridad upang suriin ang mga banta at imonitor ang kaligtasan sa mga apektadong lugar.
Hinihimok naman ng DOT ang publiko na i-monitor ang mga advisory ng mga airline, ferry, at bus bago bumiyahe. Makipag-ugnayan din sa mga hotel at tour operator para sa status ng operasyon, rebooking, o kanselasyon.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang DOT sa lahat ng pamilya at komunidad na naapektuhan ng naturang sakuna.















