-- Advertisements --

Kumbensido si House Majority Leader at Lakas-CMD president Martin Romualdez na tiwala ang publiko sa kakayanan ngg UniTeam tandem nina  Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte at presidential bet Ferdinand Marcos Jr. para maging susunod na mga lider ng bansa.

Sinabi ito ni Romualdez matapos na marami pa rin ang pumunta sa scheduled grand rally ng UniTeamsa Parañaque City noong Huwebes kahit pa nakansela ito nang last minute dahil sa masamang lagay ng panahon.

Ayon kay Romualdez, maraming supporters ng UniTeam ang sumipot sa venue kahit pa hindi umayon ang lagay ng panahon noong Huwebes.

Nabatid na ilang sandali matapos na makansela ang rally dahil sa malakas na buhos ng ulan, nagkaroon naman ng pagkakataon si Duterte na makalapit sa madla para magpasalamat sa kanilang pagpunta.

Sinabi ni dating MMDA chairman Benhur Abalos, ang campaign manager ng Partido Federal ng Pilipinas, na nasa 50,000 katao ang inasahan sana nilang pumunta sa grand rally ng UniTeam sa Aseana City.

Pero dahil hindi natuloy ang event kamakailan, tiniyak ni Abalos na babalik pa rin ang UniTeam sa Parañaque City.