Tutokan ang produksyon, tigilan ang pagtatayo ng mga subdivision sa mga lugar na maaaring mapagtaniman ng palay, iyan ang sigaw ng ilang residente sa pasay kaugnay sa patuloy na pagsirit ng presyo ng bigas.
Ang well milled rice at regular milled rice sa ngayon ay nasa P50-52 pero imbes na bumaba ang presyo, sinabi ng Bantay Bigas na posible pang umabot sa P60/kilo ang presyo ng pinakamurang bigas ngayon sa mga palengke habang papalapit ang pasko dahil wala umanong ginagawang conrete na solusyon ang gobyerno kundi mag-import.
Sa panayam ng Bombo radyo sa mga mamimili sa Pasay Market, sinabi ni Elvira Pamutan, 68 years old, na kung tataas pa ang presyo ng bigas ay hindi na kakayanin pa ng mga tao lalong lalo na ang mga walang hanapbuhay at idagdag pa rito ang matataas rin na presyo ng ilang bilihin.
Ani Elvira, hindi na siya umaasa pa na makakamit ang P20/kilo na bigas, kaya naman tutokan nalang umano sana ng gobyerno ang pagpapalakas ng produksyon, palawakin ang mga palayan at tigilan na ang walang habas na land conversion.
Imbes aniya na taniman ng palay ay ginagawang subdivision ang mga palayan, ginagawang commercial complex ang mga taniman.
Samantala, ayon sa National food authority, may initial shipment ng bigas mula sa India ngayong buwan para matugonan ang kakulangan sa ani, pero ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), kahit may importasyon, hindi pa rin mapapababa nito ang presyo ng bigas.