-- Advertisements --

Sa halip na mamasada, nagbebenta na lang ng gulay, karne o pumapasok sa anumang negosyo ang ilan sa mga tsuper at operators ng mga pampublikong sasakyan.

Sinabi ito ni Liga ng Transportasyon at Operators ng Pilipinas (LTOP) president Orlando Marquez kasunod ng ika-11 magkasunod na linggo na sumirit ang presyo ng langis.

Sayang lang din aniya ang kanilang pagod sa pamamasada kung wala naman silang naiuuwing sapat na kita para sa kanilang pamilya dahil nauubos na halos ito sa pagpapakarga ng gasolina.

Para sa kanila, dapat tapyasan o suspendihin muna ang excise tax na ipinapataw sa mga produktong petrolyo.

Hindi na halos aniya nagbago ang panlilimos ng ilan sa kanilang mga kasama sa trabaho mula nang magkaroon ng pandemya hanggang ngayong sumabay pa ang krisis sa presyo ng langis sa Pilipinas.

Samantala, iginiit naman ni Marquez na hindi sasapat ang P6,500 na fuel subsidy sa taas ng presyo ng langis.

Tatagal lamang aniya ito ng halos isang linggo lamang, o baka kulangin pa nga.

Kaya ang apela nila sa pamahalaan ay tulungan sila sa kanilang sitwasyon ngayon, tulad na lamang nang pagtaas sa singil sa pamasahe.