-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Nasa 60 missile ang naharang ng iron dome ng Israel mula sa 160 missile na pinakawalan ng Palestinian Islamic Jihad sa Gaza Strip habang 30 sa mga missile ay bumagsak sa mismong boarder ng Gaza.

Ayon kay Bombo International News Correspondent Mina Marquez, ilan sa mga pinalipad na missile ay bumagsak lamang sa mga open spaces at walang naitalang casualty o nasaktan sa pag-atake.

Bahagya ring naging tahimik ang Gaza Strip matapos ang naitalang mga pag-atake at pagpapalipad ng missile ng Palestinian Islamic Jihad sa kasagsagan ng Shabbat celebration ng mga Jewish people.

Aniya, puntirya ng mga missile ang central part at southern part ng Israel na malapit lamang sa boarder ng Gaza.

Ito na ang itinuturing na pinakamalaking pag-atake ng Palestinian Islamic Jihad mula ng sumiklab ang kaguluhan sa Israel noong nakaraang taon.

Nababahala na rin ngayon ang ilang Pilipino sa naturang bansa dahil sa inilunsad na operation breaking dawn kung saan pinuntirya ng Israeli Defense force ang mga terror cells sa Gaza na nagpaplano ng pag-atake sa bansa at napaslang ang top official ng teroristang grupo na nasa northern Gaza.

Ang naturang hakbang ng Palestinian Islamic Jihad ay bilang protesta sa pagkasawi ng ilang matataas na lider ng Gaza militant at 16 na iba pa matapos maglunsad ng airstrike ang Israel.

Binuksan na rin sa publiko ang mga bomb shelter sa Tel Aviv at sa Central Terminal sa Israel habang nailikas na rin ang ilang mga pasyente at mga bagong silang na sanggol kasama ang kanilang mga ina sa isang pagamutan sa Beersheba at inilipat sa mas ligtas na lugar matapos ang pag-atake.