Baka mauwi sa bagsak presyo ang ilang panindang bulaklak sa ibang bahagi ng Metro Manila.
Hindi raw kasi umabot sa inaasahang dami ng mga mamimili ang kumuha ng kanilang mga inangkat na supply mula sa ibang lugar at maging sa ibang bansa.
Maging ang kandila ay hindi naging malakas ang bilihan ngayong araw sa ilang tindahan.
Sa Arkong Bato Public Cemetery sa Valenzuela City, malaki umano ang ibinagsak ng kanilang benta kumpara sa nakaraang taon.
Sa kabila nito, may mga umaasa namang dadami pa ang mamimili hanggang bukas, kung saan gugunitain naman ang “All Souls Day” o araw ng lahat ng mga yumao.
Ngayon kasi ay “All saints day” pa lamang o araw ng mga santo.
Nabatid na may mga lugar na ang Nobyembre 2 ang higit na binibigyan nila ng importansya dahil ito raw ang nakalaan para sa kani-kanilang kamag-anak na pumanaw.
Ang presyo ng mga kandila ay naglalaro mula P7 at ang pinakamahal ay P180, depende sa laki.
Samantalang ang mga bulaklak ay mabibili mula P50 hanggang P500, depende sa flower arrangement at sa dami nito.