Kaniya-kaniyang diskarte ang taumbayan para makatipid ngayon sa gitna ng pabago-bagong galaw sa presyo ng produktong petrolyo.
Ngayong araw ay ipinatupad nanaman kasi ang panibagong dagdag-bawas sa halaga ng krudo.
Nasa Php 1.70 ang ibinaba sa presyo ng kada litro ng gasolina, habang pumalo naman sa Php 1.20 ang halagang nadagdag sa kada litro ng diesel, at Php 2.45 naman ang itinaas sa kada litro ng kerosene.
Dahil sa patuloy na pabago-bago at madalas na oil price hike sa bansa ay umaaray na ang karamihan sa ating mga kababayan.
Katulad na lamang ng nakausap ng Bombo Radyo Philippines na si Arapat Nase, isang tricycle driver na sinabing napakalaki ng epekto ng oil adjustments sa pamumuhay nilang mga mag-anak.
Bukod daw kasi na mataas ang bayarin sa gasolina, ay sinabi rin ni Nase na sa ngayon ay kakaunti nalang din ang pasaherong sumasakay sa kanila dahilan para mabawasan pa ang kakarampot na perang kanilang kinikita.
Ngunit sa kabila ng mga paghihirap na ito ay may magandang naidulot kay Nase ang mataas na bilihin sa merkado.
Dahil sa ngayon ay napilitan pa raw siya na itigil ang kaniyang bisyo na paninigarilyo para makatipid at pandagdag sa pambili ng mga pangangailangan ng kaniyang asawa’t anak.
“Tuluy-tuloy yung pagtaas ng gas tapos yung pasahero namin konti nalang. Talagang malaking epekto samin ang pagtaas ng gasolina.” ani Nase.
Dagdag pa niya,”Nagtitiis na nga lang kami kasi wala na kami ibang magagawa e. Andiyan na ‘yan. Tinigil ko na rin paninigarilyo ko para lang makabawas sa gastusin.”
Samantala, sa pagsisimula ng taong 2022 ay nakapagtala ang mga kinauukulan ang nasa Php 24.80 na dagdag sa halaga ng kada litro ng gasolina, habang Php 28 naman sa kada litro ng diesel, at nasa Php24.25 naman sa kada litro ng kerosene.
Ang malakas na demand sa suplay ng gasolina sa pandaigdigang merkado at gayundin ang mga suliraning nararanasan ng ibang mga bansa pangunahing pinagkukuhanan ng suplay ng langis ang itinuturong dahilan nito.










