Problemado ngayon ang ilang pamilyang nananatili sa mga evacuation centers sa Magunidanao del Norte na biktima ng pananalasa ng bagyong Paeng dahil nagkakasakit na raw ang ilan sa mga ito.
Dahil dito, inihihirit na nilang makauwi sa kanilang mga bahay.
Pero an problema ay halos karamihan daw sa kanila ang wala ng bahay na uuwian.
Kabilang ang evacuation center sa Datu Odin Sinsuat na mayroon nang mga nagkakasakit na evacuees.
Dito sila pansamantalang nanunuluyan matapos masira ang kanilang bahay sa Sitio Dinabon, Barangay Kusiong dahil sa landslide na dulot ng bagyong Paeng.
Malapit ang bahay nila Dimalanta sa mismong lugar kung saan nangyari ang trahedya.
Ayon sa Municipal Health Office ng Datu Odin Sinsuat, sinisiguro naman nilang sapat ang supply ng gamot lalo na sa sipon, ubo, lagnat, at iba pa para sa mga evacuees.
Naka-standby din daw sila sa mga evacuation centers ng lungsod upang matutukan ang kalusugan ng may sakit.
Kung maalala, halos 300 na pamilya ang inilikas sa Broce Elementary School mula sa ‘ground zero’ sa Barangay Kusiong kung saan halos karamihan sa kanila ay wala ng bahay na uuwian.
Gayunman, sinabi ng school nurse na si Cherry Rose Abdula na ilang evacuees na rin ang nagsi-uwian at nakituloy na lang sa kanilang mga kamag-anak.
Wala naman daw problema sa relief goods dahil halos araw-araw ay may dumarating na tulong mula sa gobyerno, maging sa mga pribadong sektor at volunteers, ayon pa kay Abdula.
Samantala, nangako naman ang LGU nga Datu Odin Sinuat na tutulungan ang mga residente lalo na ang mga apektado pamilya na wala na talagang bahay na uuwian.