-- Advertisements --
naia 2

Tinuligsa ng ilang kritiko ang mga bagong guidelines na itinakda ng Inter-Agency Council Against Trafficking para sa mga Pilipinong aalis patungo sa ibang bansa.

Ayon kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na dati na ring nagsilibi bilang Bureau of Immigration chief, ang mga bagong travel protocol na ipatutupad ng naturang council ay lumalabag sa constitutional right to travel at right to privacy ng mga biyahero.

Aniya, ang mas mahigpit na mga tuntunin at dagdag requirements tulad na lamang ng proof ng financial capacity ng biyahero ay maituturing na “unreasonable” at magiging dahilan lamang ng inconvenience para sa mga Filipino travelers.

Ang mga ganitong uri ng dokumento ay posibleng maging sanhi lamang ito ng panghaharass at extortion ng mga tiwaling immigration officers at iba pang tauhan ng paliparan.

Samantala, bukod dito ay ipinunto rin ng mambabatas na sa kabila ng mas pinahigpit na panuntunan na ito para sa mga biyahero ay hindi pa rin nito mapipigilan ang human trafficking sa bansa dahil maaari pa ring makagawa ng paraan ang mga sindikato para mabigyan ng “show money” ang kanilang mga biktima para sa hinihinging proof of financial capacity.

Sa Setyembre 3, 2023 nakatakdang pairalin ng Inter-Agency Council Against Trafficking ang panibagong guidelines para sa mga Pilipinong aalis at magtutungo sa ibang bansa.