-- Advertisements --

Nagpaabot ng kanilang pakikiramay ang ilang kongresista sa pagpanaw ni dating DENR Sec. Gina Lopez.

Sa isang statement, sinariwa ng Bayan Muna party-list ang mga naiambag ni Lopez para sa kapakanan ng bansa.

Ayon kay Rep. Carlos Isagani Zarate, nawalan ng isang matapang na tagapangtanggol ang kalikasa sa pagpanaw ni Lopez.

Subalit sa kabila nito, ipagpapatuloy daw nila ang legasiya ng dating kalihim, gayundin ang pagsusulong nito ng proteksyon sa kalikasan.

Si Zarate, na dating chairman ng House Natural Resources Committee, ay naging katuwang ni Lopez sa pagsusulong ng People’s Mining Bill noong 17th Congress.

Inalala naman ni Rep. Eufemia Cullamat ang nakaugalian nang pagbisita ni Lopez sa mga indegenious peoples’ commmunities para matutunan ang kanilang pamumuhay.

Hinangaan naman ni Rep. Ferdinand Gaite ang walang takot na pagsusulong ni Lopez sa ikakabuti ng kalikasan sa Pilipinas.

Hanga raw siya sa pumanaw na dating kalihim dahil sa hindi ito natatakot na banggain ang mga malalaking mining o logging companies masawata lamang ang mga ito.