-- Advertisements --

Aminado ang Department of Health (DOH) na karamihan sa intensive care unit (ICU) ng mga ospital sa Metro Manila ang nasa kritikal nang sitwasyon dahil sa mga hawak na pasyenteng may COVID-19.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, isa ito sa naging batayan kung bakit nag-rekomenda ang Inter-Agency Task Force ng extension ng enhanced community quarantine hanggang May 15.

“Makikita sa mga pag-aaral, base sa critical care utilization rate makikita na yung use of ICUs dito sa NCR nandoon na sa near ng maximum. Ibig sabihin gamit na gamit na.”

“That’s why ang amin risk assessment, base sa case doubling time at critical care utilization rate, nandoon tayo sa red na part.”

Ikinababahala ng DOH ang kasalukuyang sitwasyon dahil posibleng ma-overwhelm o mabigla ang mga ospital sakaling dumami pa ang bilang ng COVID-19 cases.

“Doon pa lang nakita and it was really something that has pushed the IATF to decide na ganito yung rank ng NCR.”

Gagamitin daw bilang batayan ng DOH ang critical care utilization rate para makita kung paano magiging angkop ang healthcare system sa sitwasyon.

“Simula pa lang nag-designate na tayo ng COVID-19 referral hospital. Ito ay naglalayon para doon natin dadalhin lahat ng pasyente for COVID-19 and other hospitals would be freed up para naman sa non-COVID patients.”

“Itong mga referral hospitals natin we are expanding the ICU capacity ng ating mga ospital. Although lahat naman ng ating tertiary and even secondary hospitals, may ICU yan.”

Sakop naman daw ang mga ospital sa sakop ng DOH sa pamimigay ng equipment tulad ng ventilators at personal protective equipment.