-- Advertisements --
image 260

Nagprotesta ang ilang grupo ng mga kabataan kasabay ng paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kontrobersiyal na Maharlika Investment Fund bilang batas nitong Martes.

Kabilang sa nagtipun-tipon sa Mendiola para ihayag ang kanilang mariing pagtutol sa bagong batas ang Kabataan Party-list at kanilang mga tagasuporta na idinaing na dapat ang P500 billion na pondo para sa MIF ay inilaan na lamang ng pamahalaan para sa edukasyon, agrikultura, at kalusugan.

Tinawag din ng grupo na scam ang MIF.

Ayon pa sa grupo, minadali ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglagda nito upang makapagkamal ng mas malaking pondo at isugal aniya ang bilyun-bilyong pondo sa halip na ilaan sa mahahalagang pangangailangan ng mga Pilipino.

Ayon naman sa Anakbayan mas marami pang youth organization ang nakiisa sa protesta upang ihayag ang kanilang pagtutol sa bagong batas.

Una rito, kahapon, Hulyo 18 ganap ng nilagdaan ni PBBM ang MIF bilang batas kung saan itatap ang state assets para ipuhunan para makapag-generate ng karagdagang public funds.

Ito ay sa kabila pa ng ilang pagkabahala sa MIF kung saan pinuna ng ilang mga mambabatas ang mga error at discrepancies gayundin ang malabong mga probisyon ng batas.