Umapela ang ilang civil society group sa gobyerno na ikonsidera pa rin ang home quarantine sa COVID-19 cases na may kapasidad namang magpagaling habang sila ay nasa bahay.
Sa isang press conference, ipinaabot ng mga grupo ang suporta sa layunin ng resolusyon ng Inter-Agency Task Force na naglilimita sa quarantine ng confirmed cases sa isolation facilities at hindi sa sariling tahanan.
Ang nakakabahala lang daw ay ang posibilidad na maubos ang mga pasilidad dahil sa inaasahang pagpunta na rin doon ng mga dating nagka-quarantine sa kanilang tahanan.
Sa ilalim ng naunang guidelines ng IATF, pinapayagan mag-home quarantine ang mild at asymptomatic cases basta’t may sarili silang kwarto at palikuran; at walang kasama na vulnerable sa bahay.
Ayon kay Dr. Anna Ong-Lim, infectious disease expert at miyembro ng Health Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC), dalawang punto ang dapat pakinggan ng gobyerno sa kanilang panawagan.
“First is whether there is a capacity in terms of accommodating this expected upsurge of patients… pangalawa, alam naman natin na maraming social issues that accompany the diagnosis of COVID-19 disease, isa sa posibleng mangyari kasi dito, sa takot na lang ay hindi mag-disclose ang tao ng nararamdaman o hindi na magpa-test dahil ito na ang ating patakaran ngayon.”
Paliwanag ng eksperto, hindi nagtatapos sa isolation facility ang kakayahan para magpagaling at maiwasang makahawa ng sakit ang isang confirmed case.
Kaya kung ang indibidwal ay may kakayahan naman daw na mag-isolate ng sarili ay dapat na bigyan sila ng pagkakataong hindi na lang lumabas ng bahay para magpagaling.
“When we talk about isolation, this doesn’t always have to be from the setting of a facility… we were just really concerned about the concept of requiring people who have the capacity to do the right thing, and in the process, of course its an additional burden to whatever facilities are now existing in the community. ‘Yun yung ipinaabot namin sa kanila.”
Ayon naman kay Arjay Mercado ng Action for Economic Reforms, maaaring gamitin ang allocated budget para sa mga home quarantine patients na lilipat sa isolation facility, sa iba pang ginagawang responde.
Tinalakay din sa nasabing presscon ang hiling ng ilang grupo na matiyak na angkop ang serbisyong natatanggap ng mga pasyente sa isolation facilities, prayoridad sa mga mahihirap sa quarantine at tulong sa mga anak na maiiwan ng mga magulang na kailangan ma-isolate.
Umapela rin ang mga grupo para ma-konsidera ang maayos na referral sa COVID-19 patients na may iba pang iniindang sakit.
“Kapag sa COVID-19 at mayroon kang ibang comorbidities, tamang ma-isolate siya. Pero kung mayroon siya ngang sakit na prior to COVID, dapat mabigyan siya ng konsiderasyon na kung sino man yung ospital na nangangalaga sa kanya, sana bigyan ng oportunidad to actually have that conversation and be referred to that proper health facility,” ani Ralph Degollacion ng Health Justice PH.










