Naalarman ngayon ang ilang eksperto sa posibleng paglobo ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa dahil na rin sa posibleng pagpasok ng Omicron XE subvariant sa bansa.
Ayon kay Philippine College of Physicians (PCP) president Dr. Maricar Limpin, kasabay pa ito nang mababang rate ng booster shor coverage ng ating mga kababayan.
Dahil dito, baka raw magkaroon ng COVID-19 cases surge sa buwan ng Mayo.
Dahil dito, himimok ni Limpin ang lahat ng mga mayroon nang primary shots na magpa-booster shot na para may proteksiyon ang mga ito sa bagong sub-variant sakaling makapasok man ito sa bansa.
Base sa pinakahuling data mula sa Department of Health (DoH), nasa 12.2 million na mga indibidwal na ang nakatanggap ng booster shots habang 66.2 million naman o nasa 74 percent sa 90 million target poppulation ang fully vaccinated na ng COVID-19 vaccine.
May epekto rin umano sa posibleng surge ang mas maluwag nang restrictions dahil mas marami na ngayon ang pinapayagang lumabas.
Una rito, ipinaliwanag ni infectious disease expert Dr. Edsel Salvana na ang Omicron XE ay mas nakababahala raw kumpara sa iba pang Omicron subvariants dahil mas nakakahawa ito.
Pero naniniwala naman itong epektibo pa rin ang mga bakunang available sa bansa.
Ang isa pang expert na si Dr. Rontgene Solante ay sang-ayon din sa assessment ni Salvana na epektibo pa ang kasalukuyang bakuna maging sa BA.1 at BA.2 na Omicron sub-variants.
Samantala, kahapon nang makapagtala ang DoH ng 277 na bagong COVID infections.
Bumaba rin ang covid cases sa 28,380.
Base sa data sa ngayon ay nasa kabuuang 3,681,374 ang total cases na naitala sa bansa mula nang magsimula ang pandemic.
Pero mataas din naman ang recoveries na 3,593,225.
Ang bilang naman ng mga namatay ay 59,769.