Naghihintay pa rin ngayon ang ilang daang Filipino seafarers ng permiso mula sa pamahalaan para makababa sa walong barkong nakadaong ngayon sa Manila Bay at para sumailalim sa quarantine, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kay PCG spokesperson Comander Armand Balilo, noong nakaraang linggo pa nang dumating ang mga Filipino crew members ng mga barko galing sa Australia, Indonesia, Singapore at Malaysia.
Sinabi nito na sasailalim sa check-up at 2-week isolation ang naturang mga overseas Filipino workers (OFWs) pagkatapos na makakuha na ng go signal mula sa Bureau of Quarantine ng Department of Health (DOH) sa kanilang pagbaba sa sinasakyang mga barko.
Tinatayang nasa humigit kumulang 2,000 Pinoy seafarers ang lula ng mga cruise ships na nakadaong ngayon sa Manila Bay.
Kahapon, nasa 428 Pinoy ang bumaba sa isang barko mula Malaysia at kaagad namang dinala ng PCG sa isang quarantine area, ayon kay Balilo.










