-- Advertisements --

Nanawagan si presidential adviser for entrepreneurship Joey Concepcion sa mga business establishments na sigurihing mahigpit na nasusunod ang guidelines ng pamahalaan para sa alert level system.

Sa pagdinig ng House committee on trade and industry, sinabi ni Concepcion na may natatanggap siyang mga reports hinggil sa lapses ng ilang business establishments.

May iba kasi aniyang basta lamang tumatanggap ng mga customers para sa dine-in services kahit wala naman gmaipakitang vaccination cards.


Sa Metro Manila, na kasalukuyang nasa ilalim ng Alert Level 2, pinapayagan ang dine-in services sa maximum na 50 percent para sa mga fully vaccinated nang indibidwal, at 70 percent naman para sa outdoor capacity.

Iginiit ni Concepcion na ang sinusunod ngayong alert level system ay ang tamang istratehiya, pero dapat aniyang mahigpit na nasusunod ang guidelines para rito.

Tama lamang aniya na mabigyan ng mas maluwag na mobility restrictions ang mga fully vaccinated na, at mas higpitan naman ang mga hindi pa natuturkan ng COVID-19 jabs.

Ang mga hindi pa nababakunahan kontra COVID-19 kasi ay mayroong mas malaking tsansang ma-ospital dahil sa naturang sakit.