BAGUIO CITY-Maaapektuhan ang ilang bahagi ng lungsod ng Baguio at lalawigan ng Benguet sa scheduled power interruptions na isasagawa ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Ayon kay Melma Batario, Regional Communication and Public Affairs Lead Specialist ng NGCP, isasagawa ang mga scheduled power interruptions sa Abril 23, araw ng Martes at Abril 24, araw ng Miyerkules.

Posible aniyang maapektuhan ang 80 hanggang 90 porsiyentong bahagi ng Baguio maliban pa sa Benguet.

Aniya, kabilang sa mga mawawalan ng suplay ng kuryente dito sa lunsod sa Abril 23 ang mga substations ng North Sanitary Camp at Irisan.

Ipinaliwanag ni Batario na isasagawa ng NGCP ang taunang preventive maintainance sa mga pasilidad sa substations ng korporasyon sa La Trinidad, Benguet kaya’t maaapektuhan ang mga substations dito sa Baguio City.