-- Advertisements --

Sinabi ng Commission on Elections na nasa walo pa lamang mula sa 66 na kandidato ang nakapagsumite ng kanilang Statements of Contributions and Expenditures (SOCEs). Samantala, labing-isa na party-list group at tatlong partido politikal ang nakapagpasa na ng kanilang SOCE kaugnay ng katatapos lang na halalan noong Mayo 12.

Ang mga senatorial candidates lamang na sina Victor Rodriguez, Norberto Gonzales, Dr. Willie Ong, France Castro ng Makabayan bloc, Senator-elect Vicente Sotto III, Angelo de Alisan, Ronaldo Jerome Adonis, na parehong mula rin sa Makabayan Coalition at Phillip Salvador ang mga nakapagsumite na ng kanilang mga SOCE. Sa kanila, si Sotto lamang ang nanalo sa halalan, habang si Ong ay umatras sa kandidatura.

Samantala, siyam na party-list groups na ang nakapagsumite ng kanilang SOCE. Ito ang Abono Partylist, Abante Pangasinan-Ilokano Partylist, 1-Pacman Partylist, Manila Teachers Partylist, Angat Partylist, ACT Teachers Partylist, Nanay Partylist, Buhay Partylist, Kabayan Partylist, Akay ni Sol Partylist at Bida Katagumpay Partylist.

Para naman sa mga partidong politikal, tanging Akay, Partido Demokratiko Sosyalista ng Pilipinas at Bigkis Pinoy Movement pa lamang ang nakapagpasa ng kanilang SOCE.

Alinsunod sa Republic Act No. 7166, lahat ng kandidato, political parties, at party-list organizations ay kinakailangang magsumite ng kanilang SOCE sa loob ng 30 araw matapos ang halalan, o hanggang Hunyo 11.

Ayon sa COMELEC, maaaring magsumite ng SOCE araw-araw, kabilang ang Sabado at mga holiday, mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Dagdag pa ng poll body, ang pagsusumite ng SOCE sa pamamagitan ng registered mail, email, courier, o messenger services ay hindi pinapayagan.

Samantala, sinabi ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia na inaasahan nilang ang karamihan sa mga kandidato, political parties, at party-list groups ay magsusumite ng kanilang SOCE sa mga susunod na araw.

Nauna ng sinabi ni Garcia na ang hindi makakapag-sumite ng SOCE sa deadline na itinakda ng poll body ay hindi na tatanggapin ng komisyon.