KALIBO, Aklan – Nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang tatlo sa anim na turista na unang inaresto matapos magpresenta ng pekeng RT-PCR (reverse transcription polymerase chain reaction) test results sa pagpasok ng mga ito sa Boracay.
Ito’y matapos na isinailalim sa swab test ang nasabing mga indibidwal sa Molecular Laboractory sa Aklan Provincial Hospital kung saan lumabas na positibo ang tatlo sa deadly virus.
Ang mga bagong kaso ay kinabibilangan ng dalawang babae at isang lalaki na kasalukuyang naka-facility quarantined sa isang hotel sa bayan ng Kalibo.
Napag-alaman na walang booking sa accredited hotel sa Boracay ang grupo ng anim na turistang kinabibilangan ng isang make-up artist, crew, entertainment manager at TV show dancer.
Ang isang babae naman ay nagtatrabaho sa isang pribadong kompanya.
Pinaniniwalaan na nag-avail ng home service para sa COVID-19 testing ang naturang mga turista na posibleng pinapatakbo ng sindikato na kayang magsagawa ng negatibong resulta ng RT-PCR test.










