-- Advertisements --
image 289

Isinagawa ngayong araw ang ikalimang pagdinig ng korte sa Las Piñas City sa kasong illegal drugs na isinampa laban kay Juanito Remulla III, ang panganay na anak ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Personal na dumalo ang mga abogado ng nakababatang Remulla na sina Atty. Christopher Belmonte at Atty. Pernillo Campanilla sa naturang pagdinig sa Las Piñas Hall of Justice.

Hindi naman nagbigay ng detalye ang mga ito kung dadalo din si Juanito Remulla sa pagdinig sa pamamagitan ng video conference dahil na rin sa pinaiiral na sub judice rule kung saan restricted ang pagbibigay ng komento sa nagpapatuloy na kaso.

Dumalo din sa pagdinig ang tatlong intelligence officers mula sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Customs chief operation officer.

Kinumpirma naman ng abogado ni Remulla na nag-aantay ang kampo ni Juanito Remulla para sa resolution mula sa Pasay City Prosecutor’s Office para sa hiwalay na reklamo para sa importasyon ng iligal na droga at paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.

Nakatakdang isagawa ang susunod na pagdinig bukas, Nobiyembre 29.

Matatandaan na naaresto si Juanito Remulla sa isang controlled delivery operation ng PDEA at NAIA Inter-agency Drug Interdiction Task Group sa Las Piñas noong Oktubre 11.

Naghain naman ng not guilty plea ang kampo ni Remulla sa drug possession charges nito.