-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Ubusan ng lahi at hindi na simpleng digmaan ang ginawa ng Israel Defense Forces (IDF) sa loob ng Gaza City ng Palestine state kung saan nagkokota ang mga militanteng Hamas.

Ito ang pananaw ni Lanao del Sur 1st District Representative Zia Alonto Adiong sa patuloy na opensiba ng Israeli forces kung saan may tinamaan na civilian structures katulad ng ospital at simbahan na hindi sana dapat madamay sa gitna ng digmaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ng Bangsamoro lawmaker na tila uubusin na ng taga-Israel ang mga Palestino dahil hindi na ginalang ang mga buhay ng mga sibilyan na nakikisilong sa mga simbahan at mga pasyente na ginagamot sa ospital.

Iginiit nito na kung magpapatuloy ang ganitong hakbang ng Israel,hayagan itong paglabag sa nakasaad na mga probisyon ng United Nations Genocide Convention.

Magugunitang kapwa tumanggi ang panig ng mga militante at Israel na isa sa kanila ang nakatama sa pagamutan bagkus ay inituro sa iba pang terror groups na nakikisawsaw sa mag-dalawang linggo ng kaguluhan.