-- Advertisements --

Hinimok ng isang infectious disease expert ang publiko na huwag magpakumpyansa ngayong mataas pa rin ang utilization rate ng mga intensive care units (ICU) sa mga ospital sa kabila nang pagbaba ng COVID-19 cases sa buong bansa.

Ayon kay Dr. Rontgene Solante, hindi pa rin maituturing “good number” ang naitatalang mga bagong kaso ng COVID-19 na umaabot sa 7,000 hanggang 8,000 sa mga nakalipas na araw.

Kasabay nito ay umaapela rin siya sa publiko na mag-ingat pa rin ngayong nagdesisyon ang pamahalaan na buksan na ng bahagya ang ekonomiya makalipas na inilagay ang Metro Manila sa ilalim ng Alert Level 3 mula Oktubre 16 hanggang 31.

Samantala, malaki naman aniya ang posibilidad na magkaroon pa rin ng mahigpit na community quarantine gayong hindi pa rin naman naabot ang herd immunity.

Sa vaccination rate at percentage ng mga nabakunahan na sa Pilipinas, sinabi ni Solante na marahil ay hindi pa umaabot sa 40 percent.

Base sa datos ng pamahalaan, nasa 23.8 million Pilipino pa lang ang fully vaccinated na kontra COVID-19, o katumbas lamang ng 31.09 percent ng target population.