Ipinahayag ni International Criminal Court (ICC) chief prosecutor Karim Khan na isang crime scene ang Ukraine sa gitna ng mga pagsalakay ng Russia dito.
Ito matapos nitong bisitahin ang mga lungsod ng Bucha at Borodyanka ngayong linggo, kung saan nadiskubre ang daan-daang mga bangkay ng mga sibilyan sa unang bahagi ng buwan ng Abril kasunod ng naging pag-atras ng Russian forces sa hilagang bahagi ng Ukraine.
Sa isang statement ay sinabi ni Khan na binisita nila ang mga nasabing lugar sa kadahilanang naniniwala sila na mayroong nagaganap na mga krimen doon na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng ICC.
Ang tinig aniya ng mga biktima ng mga krimen na ito ay dapat daw na maging sentro ng kanilang independiyenteng gawain upang maitatag ang katotohanan.
Samantala, sinabi rin ng ICC official na makikipag-ugnayan sila sa mga nakaligtas at naiwang pamilya ng mga biktima upang sikaping maihatid ang hustisya.
Magugunita na kamakailan lang ay nakipagpulong si Khan kay Ukrainian Prosecutor General Iryna Venediktova sa Kyiv upang magtulungan sa ginagawang independent investigation ng ICC.
Dito ay napagkasunduan nang dalawa na palalimin at palakasin pa ang kanilang ugnayan upang maihatid ang pananagutan sa mga nagaganap na international crimes sa Ukraine.