Hinimok ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang Supreme Court na simulan na sa lalong madaling panahon ang oral arguments sa anti-terror law matapos ito inurong kamakailan.
Ayon kay IBP president Domingo Cayosa, umaasa silang makakapaglabas na rin kaagad ng desisyon ang Korte Suprema matapos na marinig ang punto ng magkaibang panig patungkol sa kontrobersyal na anti-terror law.
Ang naturang batas ay hindi lamang kasi aniya legal issue ng 37 grupo na naghain ng petisyon laban dito kundi concern din ng lahat ng mga Pilipino dahil maari itong malabag ang mga karapatan ng publiko at magamit para paratangan ang mga kritiko bilang mga terorista.
Binigyan diin ni Cayosa na anuman ang magiging desisyon dito ng Korte Suprema ay makakaapekto hindi lamang sa kasalukuyang panahon kundi maging sa hinaharap kahit hindi na si Pangulong Rodrigo Duterte ang nakaupo sa puwesto.










