Kinuwestiyon ng mga mambabatas ang kahandaan ng Department of Education (DepEd) sa panukalang three-term school calendar para sa School Year 2026-2027 dahil sa kakulangan ng buffer days para sa mga class suspension at nakalilitong learning targets.
Sa pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture noong Lunes, binusisi ng panel sa pamumuno ni Pasig City Rep. Roman Romulo kung paano tutugunan ng ahensya ang mga abala sa klase, partikular ang mga suspensyon dahil sa pabago-bagong panahon.
Binalaan niya ang DepEd na ang masyadong siksik na iskedyul ay maaaring makapigil sa pagkumpleto ng mga estudyante sa kanilang mga aralin.
Pinuna rin ng mga mambabatas ang kakulangan sa bilang ng instructional days.
Sa presentasyon ng DepEd, lumabas na aabot lamang sa 172 araw ang nakalaan para sa pagtuturo—mas mababa sa kinakailangang 180 araw.
Bilang tugon, sinabi ni DepEd Assistant Secretary Janir TY Datukan na may ginagamit na budget of work ang mga guro upang unahin ang mga kinakailangang kasanayan base sa limitadong oras.
Bukod sa kalendaryo, kinuwestiyon din ang learning recovery initiatives ng ahensya, lalo na ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) program. Iminungkahi ni Romulo ang isang mas pinalawak na eight-week recovery program para sa lahat ng grade levels sa halip na tumutok lamang sa mga early-grade learners.
Inamin naman ni Datukan na walang partikular na pag-aaral na pinagbatayan ang isinusulong na limang araw na remediation period sa bagong kalendaryo.
















