Nanindigan si dating House Speaker Martin Romualdez na hindi siya papayag na maging scapegoat o fall guy upang pagtakpan ang mga totoong nasa likod ng katiwalian sa gobyerno.
Sa isang pahayag, inamin ni Romualdez na naiintindihan niya ang galit ng taumbayan patungkol sa isyu ng mga ninakaw na pondo ng bayan, ngunit nanawagan siyang suriin nang mabuti kung saan talaga nakaturo ang mga ebidensya.
Kinuwestiyon ng mambabatas kung sinu-sino ang mga pangalang lumalabas sa mga sworn testimonies at affidavits, at iginiit na dapat itong tutukan nang seryoso dahil hindi maaaring maging selective o pili lamang ang pananagutan.
Ibinunyag din ni Romualdez na ang kanyang pananahimik nang ilang buwan dahil sa paggalang sa rule of law ay sinasamantala ngayon upang gumawa ng mga fabricated narratives.
Tinukoy niya ang umano’y pag-weaponize sa ilang indibidwal, partikular na kay Zaldy Co, upang isulong ang interes ng ilang sektor laban sa kanya.
Nagbanta rin ang dating lider ng Kamara na hindi siya babagsak nang tahimik at marami siyang nalalaman hindi lamang sa kasalukuyang administrasyon kundi maging sa mga nagdaan.
Direkta ring umapela si Romualdez sa Office of the Ombudsman na tutukan ang mga dokumento at ebidensya sa halip na magpadala sa public pressure. Hiniling niyang idaan ang proseso sa tama at iwasan ang theatrics at shortcuts.
















