CEBU CITY -Nagpahayag ngayon ng pagsuporta ang mga opisyal at mga miyembro ng League of Cities of the Philippines (LCP) kay Cebu City Mayor Michael Rama at naniniwalang sa ilalim ng pamumuno nito ay makakamit ang maraming bagong diskarte sa serbisyo publiko.
Ngayon ang unang araw sa three-day convergence ng mga city mayors ng bansa na ginanap sa isang hotel nitong lungsod ng Cebu kung saan nagkaroon ng preliminaries at press conference at kabilang sa natalakay ang pagpapaliban ng SK election.
Inihayag ni Rama na ipauubaya nila sa Kongreso ang nasabing usapin ngunit isa pa umano ito sa tatalakayin ng Liga.
Kamakailan nang inaprubahan ng House suffrage and electoral reforms committee sa unang pagbasa ang pagpapaliban ng barangay at SK elections na nakatakda sana ngayong darating na Disyembre 5.
“We have assured the president, the DILG, that the League will not be a stumbling block to the wishes and desires of this administration,” ani Rama sa isang press conference.
Samantala bukas, Agosto 17, magkakaroon ng dialogue ang LCP sa ilang ahensya ng gobyerno at isang strategic planning workshop.
Sa pangatlong araw naman ng aktibidad ay ang pagbabahagi ng kaalaman para sa hinaharap na programa ng mga lungsod, pagpresenta ng housing and city development strategies , SMART cities at marami pang iba.
Nangako naman ang mga miyembro at opisyal ng LCP na magtulungan tungo sa pagbabago ng kani-kanilang lokalidad.
Umaasa rin sila na ang pagtitipon na ito ay magbubunga ng isang output na kapaki-pakinabang sa lahat ng mga miyembro ng liga.