-- Advertisements --
pnp chief azurin

Nagpasaklolo na rin sa Philippine National Police ang iba pang elected officials sa lalawigan ng Negros Oriental na nakakatanggap ng banta sa kanilang buhay.

Ito ay matapos ang madugong pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walo pang mga indibidwal na nadamay lamang sa naturang insidente.

Ayon kay PNP Chief PGEN Rodolfo Azurin Jr. ang unti unting paglutang ng mga halal na opisyal na nakatatanggap ng mga banta sa kanilang buhay ay ang mga lokal na opisyal na natatakot noon.

Aniya, ang insidenteng pagpatay kay Degamo ay naging isang awakening para sa mga ito na lumantad at makipagtulungan na rin sa mga otoridad para na rin muling maibalik ang kapayapaan at kaayusan sa nasabing lalawigan.

Hanggang sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang isinasagawang threat assessment ng pambansang pulisya sa buong bansa matapos itong ipinag-utos ni PNP Chief PGEN Rodolfo Azurin Jr. sa lahat ng mga regional director ng PNP sa ibat ibang panig ng ating bansa.

Ito ay makaraan ang magkakasunod na insidente ng pamamaslang sa mga local executives sa nakalipas na mga araw.

Kung maaalala, una na ring sinabi ni DND Secretary Carlito Galvez Jr. na sa kanilang naging personal na pagbisita sa burol ni Negros Oriental G0overnor Roel Degamo kasama si PBBM ay isiniwalat na rin ng iba’t ibang local executives sa lalawigan na kanilang nakausap ang iba’t ibang mga suliranin sa kapayapaan at kaayusan sa lugar.

Isa sa dahilan ng ipinag-utos ni Pangulong Marcos na dagdagan pa ang ipinapatupad na seguridad sa naturang lalawigan upang tutukan hindi lamang ang kasong pagpatay kay Degamo kundi pati na rin ang iba pang isyu ng kriminalidad at irregularidad sa lugar.